Pagkatapos ng mahigit isang dekada, nagagalak tayong malaman na nakamtan na ng mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre ang pinakaasam nating hustisya. Wala tayong nakikitang mas nararapat na katapusan sa kasong ito, na tinaguriang pinakamarahas na election-related violence at pag-atake sa mga mamamahayag sa ating kasaysayan.
Hindi man naging madali ang proseso at mabagal man ang naging pag-usad ng kas ang hatol na ito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na posible pa ring makamit ang katarungan sa loob ng ating sistema ng hustisya.
Paalala rin ito sa atin na ang lahat ng kasalanan ay may panahon din ng pananagutan, kahit minsa’y matagal ang paghihintay. Ang batas at katarungan ay walang pinipiling pangalan, maski na ang mga nasa kapangyarihan.
Mahigit sampung taon matapos ang trahedya, tila isang napakalaking tinik ang natanggal sa ating mga puso. Masalimuot man ang naging paghihintay, ngunit ngayong araw, nasa panig ng tama at matuwid ang tagumpay. Nakikiisa tayo sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng Ampatuan Massacre at sa buong sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng makasaysayang hatol na ito.